
FILE PHOTO: Ang ilang mga kabataan na namamalagi sa mga evacuation center gawa ng nagpapatuloy na sagupaan ng pwersa ng MNLF rebels at pwersa ng Gobyerno sa Zamboanga City. Dahil sa krisis na ito ay apektado ang kanilang pag-aaral ngunit sa mga paaralan na nasa ilalim ng ‘non-critical’ areas ay magpapatuloy na ang pasok ng mga klase ngayong Miyerkules, Setyembre 25, 2013. (DSWD)
ZAMBOANGA CITY, Philippines – Naghahanda na ang mga guro at school officials sa Zamboanga City sa muling pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa lungsod na naapektuhan ng standoff.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Ma. Isabelle Climaco-Salazar, bubuksan na bukas, araw ng Miyerkules ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa mga “non critical areas sa lungsod.
Mananatili namang suspendido ang pasok sa halos limampung paaralan na nasa loob ng critical zones.
Mahigit dalawang linggong nasuspinde ang klase sa mga paaralan sa Zamboanga City dahil sa nagpapatuloy na sagupaan ng militar at pwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF). (UNTV News)